Skip to main content
Blogs

Paano Palalakasin Ang Ating Pananampalataya: Ang Limang Maliliit na Gawi na May Malaking Gantimpala 

New Muslim Academy - Philippines #NMAPH #NewMuslimPH

Ang pananampalataya ay isang bagay na nagbabago sa pagitan ng lakas at kahinaan.  May mga pagkakataon na nakadarama tayo ng lakas sa ating pananampalataya at sa ibang pagkakataon, ay maaaring makaranas tayo ng kahinaan. Kung paanong ang mga kasalanan at pagsuway sa Allah ay nagpapahina sa pananampalataya, ang matuwid na mga gawain at pagsunod sa Allah ay nagpapatibay dito.  Sa blog na ito, ay titingnan natin ang limang maliliit na gawi na maaaring magbigay ng malaking epekto sa pagpapatibay ng ating pananampalataya.

Ang una ay ang pang-araw-araw na panalangin ng pagpupuri sa Allah at pagluwalhati sa Kanya.  Bawat umaga at gabi ay may ilang mga pagsusumamo na maaari mong bigkasin para hilingin sa Allah ang Kanyang proteksyon at biyaya para sa umaga o gabing iyon. Ito ay maaaring matagpuan sa anumang libro ng panalangin. Medyo maikli ang mga ito at madaling basahin, hindi tumatagal ng higit sa 10-15 minuto. 

Ang isang halimbawa ay ang Pinakadakilang Talata sa Qur’an, ang talata 2:255.  Ipinaalam sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na ang talatang ito ay nagsisilbing proteksyon para sa taong bumibigkas nito. Ang pagbabasa nito pagkatapos ng bawat limang pang-araw-araw na itinakdang ritwal na mga panalangin, ay ginagantimpalaan ng pagpasok sa Paraiso. Ang ibang mga pahayag tulad pagluluwalhati at pagpupuri sa Allah ay nagbubunga ng kapatawaran sa mga kasalanan. Ang mga panalangin na sinasambit ang Allah ay mabilis at madaling bigkasin na may malaking mga gantimpala at kabutihan. 

Ang pangalawang gawi ay isang dalawang yunit na boluntaryong panalangin na inaalay sa umaga pagkatapos ng pagsikat ng araw at bago magtanghali.  Sinabi sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na may nakalaang kabayaran ng kawanggawa ang bawat kasu-kasuan ng ating mga katawan na ipinagkaloob sa atin ng Allah. Ang ating katawan at kung ano ang magagawa natin dito pati na rin ang paraan ng paggawa nito, ay mula sa mga pinakadakilang pagpapala ng Allah. Ibinigay sa atin ng Allah ang ating mga katawan nang libre, ngunit ang bawat kasu-kasuan ay dapat gamitin minsan sa isang araw sa ilang gawaing kabutihan bilang isang gawa ng pasasalamat. 

 Sa isang pagtuturo, ay binilang ni Propeta Muhammad (SAWS) ang mga kasu-kasuang ito sa daan-daan at nagbigay ng mga halimbawa ng lahat ng iba’t-ibang mabubuting gawain na maaaring tanggapin bilang kabayaran sa kawanggawa ng pasasalamat para sa kanila. Pagkatapos ay sinabi niya sa atin na ang pag-aalay ng dalawang yunit ng debosyon sa umaga ay sapat na sa pagpapakita ng pasasalamat para sa ating mga katawan.  Tatagal lamang ito ng ilang minuto ngunit muli, malaki ang gantimpala nito. 

Ang ikatlong gawi ay ang pagbibigay ng kaunting pinansiyal na kawanggawa sa bawat araw.  Maaari itong ilang libra o dolyar lamang.  Ito ay maaaring ibigay sa isang taong walang tirahan, isang ulila, isang balo, o sinumang taong nangangailangan. Sinasabi sa atin ng Allah sa Qur’an kung paano ang halimbawa ng pagkakawanggawa ay parang isang buto ng isang halaman na umusbong na may 700 buto ng butil.  Ang bawat libra o dolyar na ibinigay sa kawanggawa ay pinararami ng Allah. Sinabi sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na ang mga tao ay may lilim sa Araw ng Paghuhukom sa pamamagitan ng kawanggawa na kanilang ibinigay.

Ang ikaapat na gawi ay ang pagbabasa/pakikinig/pagbigkas ng isang bahagi ng Qur’an sa araw-araw.  Maglaan ng 15-20 minuto sa isang araw, sa anumang oras na nababagay sa iyo, at basahin / pakinggan / bigkasin ang ilang talata sa Qur’an.  Maaari mong ihalili ang pagitan ng pagbabasa, pagsasaulo, pakikinig, pagbigkas, pagsasanay at pag-aaral ng Qur’an. Ang Qur’an ay puno ng pagpapala. Inilarawan ng Allah ang Qur’an na isang habag, liwanag, gabay at isang lunas. Patuloy na isinabuhay ni Propeta Muhammad (SAWS) ang Qur’an sa pamamagitan ng pagbigkas, pakikinig, pag-aaral at pagtuturo nito.

Ang ikalimang ugali na makakatulong para palakasin ang ating pananampalataya ay ang pagtulong sa iba.  Ang bawat gawaing kabutihan ay ginagantimpalaan bilang isang gawain ng kawanggawa.  Ang pagtulong sa iba ay labis na ginagantimpalaan.  Ipinaalam sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na tinutulungan ng Allah ang mga tumutulong sa iba. Kung iyong ikukubli ang mga pagkakamali ng iba, ay ikukubli ng Allah ang iyong mga pagkakamali.  Kung nariyan ka para sa ibang nangangailangan, ay nariyan ang Allah sa oras ng iyong pangangailangan.  Ang manalangin para sa iba kapag sila ay wala, pagkakalooban ka ng panalangin ng mga anghel bilang kapalit. 

Ang limang maliliit na kagawiang ito ay hindi mahirap gawin nguni’t ang pangunahing mga gantimpala at kabutihan ay kalakip sa mga ito. Ang mga ito ay may malaking epekto sa pagpapalakas ng ating pananampalataya. Ibig ng Allah ang mga gawain na isinasagawa ng tuloy-tuloy, kahit na ang mga ito ay maliit.

Subscribe
Notify of
0 Comments
Oldest
Newest Most Voted
Inline Feedbacks
View all comments
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x