Skip to main content
Blogs

Sa Kanilang Araw ng mga Patay

Sa Kanilang Araw ng mga Patay

Bagamat walang anuman pagdiriwang ang pinahihintulutan sa Islam maliban sa dalawang Eid – ang Fitr at Adhaa – kapag dumarating ang mga kapistahan, okasyon, at pagdiriwang ng mga ibang relihiyon lalong lalo na ng mga Kristiyano, nakakaramdam ako ng kakaibang kasiyahan.

Maitanong ninyo kung bakit?

Kasiyahan sapagkat ibinilang ako ni Allah sa Kanyang mga alipin na nagsasabuhay ng Tunay na Relihiyon. Kasiyahan sapagkat sa halip na ako ay nakikiisa at nakikibahagi sa mga pagdiriwang na yaon – ako ay nakalayo rito – sa Tulong at Awa ni Allah.

Gaya na lamang ngayong Araw ng mga Patay, Undas, o Todos Los Santos – hindi ako kabilang sa mga taong nagtatakda lamang ng natatanging araw para sa pag-alaala at paggunita ng kanilang mga yumao. Datapuwat, sa atin sa Islam, laging kasama ang ating mga kapatid na sumakabilang-buhay sa ating mga du’aa kay Allah na nawa ay sila ay kaawaan, kahabagan, patawarin, at patuluyin sa Kanyang Paraiso.

Kapag may yumao, sa halip na magsabi ng condolence, o RIP (Rest in Peace), o SLN (Sumalangit Nawa) – tayong mga Muslim ay nagsasabi ng “innaa lillahi wa innaa ilayhi raaji’oon” (Tunay na tayo ay para kay Allah at Tunay na tayo ay sa Kanya rin magbabalik), o “lillahi maa akhadha wa lahu maa a’ataa’ wa kullu shay’in ‘indahu bi ajalim musammaa” (Si Allah ang May-ari ng Kanyang kinuha, at Sa Kanya ang Kanyang ibinigay, at lahat ng bagay sa Kanya ay may Takdang Panahon), o “azzamallahu ajraka wa ahsana ‘azaa’aka wa ghafara limayitik” (Nawa’y palakihin ni Alah ang iyong Gantimpala, at pagbutihin ang inyong dalamhati, at patawarin ang inyong yumao). Tunay na ang mga salitang ito ay mas ganap, akma, at punong-puno ng Pananampalataya kay Allah at sa Kanyang Pagtatakda, at pagpapatatag ng sarili sa gitna ng pagsubok.

Ang mga libingan ng mga Muslim o Maqbarah – kung ikukumpara sa iba – ay tunay na kababanaagan ng kapayakan. Walang anumang lapida, larawan, madisenyong nitso, magarang musuleo, o magarbong palamuti. Datapuwat, simpleng hukay lamang at tabon ng lupa sa taas nito – nagpapakita ng pagiging simple ng buhay na ito at simpleng patutunguhan (sa lupa kung saan tayo nilikha at doon din ay magbabalik).

Makikita ang mga taong pumapasyal at dumadalaw sa libingan (ng mga Di-Muslim) kapansin-pansin na iilan lamang ang nagdarasal at nagtitika para sa kanilang yumao, at ang karamihan ay para bagang pumapasyal lamang sa parke dala ang kanilang pagkain, pinaglalaruan ang mga kandila at bulaklak. Ang iba naman ay nag-aawitan pa at may pailan-ilang nagsusugal! Nasaan ang pag-alaala sa Kamatayan! Nasaan ang pag-alaala sa lugar na magiging himlayan rin nila kapag dumating ang kanilang Takdang Oras!

Kapag ang isang Muslim ay papasok sa upang dumalaw o maglibing sa Maqbarah, nararapat niyang alalahanin ang Kamatayan. Nararapat niyang mabatid na darating ang Takdang Araw na siya naman ang ihihimlay sa isa sa mga hukay na naroroon. Nararapat niyang sabihin: “Assalamu ‘alaykum yaa ahlad diyaar minal muslimeena wal mu’mineena, wa innaa inshallahu bikum lalaahiqoon, as’alullaha lanaa wa lakumul ‘aafiyah.” (Kapayapaan para sa inyo mga naninirahan sa tahanang ito (libingan) na mga Muslm at Mananampalataya, at kami rin – sa Pahintulot ni Allah – sa inyong kalagayan ay aabot din, dalangin ko kay Allah para sa amin at sa inyo ang Kaayusan).

Bagamat ang mga di-Mananampalataya ay abala ngayon para sa paggunita sa kanilang mga yumao, tayo namang mga Muslim – Alhamdulillah – ay laging nanalangin para sa Kabutihan, Kapayapaan, at Habag para sa ating mga kapatid na mga namatay na, sa ating pagdarasal ng Limang Beses sa isang Araw. Wala tayong itinatangi na araw o panahon para sa pag-alaala sa ating mga yumao.

isinulat ni Sheikh Rasheed Vallena

Subscribe
Notify of
0 Comments
Oldest
Newest Most Voted
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x