
Isang mahalagang tanong ang pumapasok sa isip ng ilan sa atin tuwing nagbabasa ng Qur’an:
Samantalang ang Qur’an na binasa ng Mahal na Propeta Muhammad (ﷺ), ng mga Sahabah, at ng mga Salafus-Salih ay siya ring Qur’an na hawak natin ngayon. Ngunit sila ay napapaiyak, natutunaw ang puso sa pagdinig at pagbabasa nito, habang tayo naman ay bihira lamang ang nakararanas ng ganoong epekto.
Narito ang ilang dahilan:
Kapag napabayaan ang pagbabasa ng Qur’an, nanlalamig ang puso at nawawala ang bisa nito. Ito ay itinuturing na isang malaking kasalanan.
﴿وَقَالَ ٱلرَّسُولُ یَـٰرَبِّ إِنَّ قَوۡمِی ٱتَّخَذُوا۟ هَـٰذَا ٱلۡقُرۡءَانَ مَهۡجُورࣰا﴾ [Al-Furqan 30]
“At ang Sugo ay nagsabi: O aking Panginoon, katotohanan, ang aking mga mamamayan ay tinalikdan nila ang Qur’an at hindi nila ito pinahalagahan.”
Ang Qur’an ay gumagabay lamang sa pusong malusog at mapagpakumbaba. Ang pusong puno ng kasalanan at makamundong pagnanasa ay hindi makikinabang dito.
﴿إِنَّ فِی ذَ ٰلِكَ لَذِكۡرَىٰ لِمَن كَانَ لَهُۥ قَلۡبٌ أَوۡ أَلۡقَى ٱلسَّمۡعَ وَهُوَ شَهِیدࣱ﴾ [Qaf 37]
“Katotohanan, naririto ang isang paalala para sa sinumang may pusong nakakaunawa at nakikinig habang siya ay nagbigay-pansin.”
Ang pusong abala lamang sa mga aliw ng mundo ay hindi makakaramdam ng tamis ng Qur’an.
﴿مَا یَأۡتِیهِم مِّن ذِكۡرࣲ مِّن رَّبِّهِم مُّحۡدَثٍ إِلَّا ٱسۡتَمَعُوهُ وَهُمۡ یَلۡعَبُونَ﴾ [Al-Anbiya 2]
“Walang paalalang dumarating sa kanila mula sa kanilang Panginoon maliban sila ay nakikinig dito habang sila ay nagsisipaglaro.”
Kung hindi natin nauunawaan ang kahulugan ng mga talata, mahirap maramdaman ang lalim at bisa ng Qur’an. Ang Tafseer ay susi upang ang Qur’an ay makaapekto sa ating puso at pamumuhay.
Ang Qur’an ay buhay, liwanag, at gabay mula kay Allah. Ngunit kung wala tayong pagbibigay-halaga, pananalig, at pusong handang tumanggap, mananatili itong tila “walang epekto.”

















