Skip to main content
Blogs

Mga Katangian ng Pinunong Muslim

Mga Katangian ng Pinunong Muslim
Ang Pamumuno ay isa sa mga pinaka-sensitibong paksa sa Islam. Sa kabila ng pagnanais ng karamihan na maging pinuno o kumatawan sa mga mamamayan, sa Islamikong Pananaw naman ito ay bagay na dapat layuan dahil sa kaakibat nitong responsibilidad, pagtitiwala, at tungkuling nakaatas dito. Sa kabila nito, marami pa ring mga Muslim ang naghahangad na mamuno at magtamo ng kapangyarihan sa kanyang kapwa at nasasakupan.
​Dapat mabatid ng bawat isa na ang pamumuno at amaanah o tiwalang ipinagkakaloob sa isang tao. Hindi ito dapat hanapin o hilingin sa madla.
​Kung ikaw o sinuman ay binigyan ng pagkakataong mamuno sa isang lugar o isang pamayanan – makatutulong ang paglalahad ng ilang mga katangian na dapat taglayin ng isang pinunong Muslim upang maisakatuparan ang ‘ibinigay na tiwalang’ ito ng mahusay at maaayos na pamamaraan.
​Ang isang Pinunong Muslim ay nararapat na may naseehah o dalisay na layunin sa kanyang pamumuno at pinamumunuan. Siya ay nararapat na laging nagnanais ng kabutihan at pag-unlad ng kanyang mga nasasakupan. Gumagawa siya ng paraan upang maging mas maayos at matiwasay ang kanilang pamumuhay. Lagi siyang naroroon para sa kanila upang ibigay ang kanilang mga pangangailangan lalung lalo na sa oras ng pagsubok at pangamba. Kung nais niya ang kabutihan para sa kanyang sarili o sariling pamilya, dapat rin niyang naisin ang kabutihan para sa kanyang mga pinamumunuan.
​Ang isang Pinuno ay nararapat ding magtaglay ng amaanah o pagka-mapagkakatiwalaan. Ipinaglalaban niya ang karapatan ng kanyang mga kasama. Iniingatan niya ang pamamalakad ng mga bagay na may kinalaman sa pamamahala at hindi nagtataksil sakanilang tiwala para lamang sa pansariling pakinabang. Inilalantad niya at ibinabahagi sa madla ang mga bagay na dapat nilang malaman lalung lalo na sa pinasyal na estado ng pamumuno. Hindi siya umaabuso sa kapangyarihang naka-atang sa kanya.
​Ang isang Pinunong Muslim ay ‘adl o makatarungan. Nanatili siya sa gitna ng mga usapin o suliranin hanggang maging malinaw at maliwanag sa kanya kung sino ang nasa tama at katwiran. Iginagalang niya ang karapatan ng bawat isa at ipinatutupad naman ang kanilang mga tungkulin. Wika nga ni Abu Bakr – kalugdan siya ni Allah: “Ang mayaman at malakas sa inyo ay mahirap at mahina para sa akin hanggang sa ibigay ko ang kanilang karapatan.”
​Mainam na katangian din ng isang pinuno ang ‘ilm o kaalaman. Sa pamamagitan ng Kaalaman ay maayos niyang maipapatupad ang mga kapaki-pakinabang na bagay para sa mga tao, mahusay niyang mapakikitunguhan an gang kanyang mga nasasakupan at iba pang pinunong katulad niya, mabilis niyang maiisip ang mga kasagutan sa mga suliranin at pagsubok na kinahaharap ng bayan.
​Nararapat ding taglayin ng Pinunong Muslim ang sidq o pagka-makatotohanan. Hindi siya nagsisinungaling sa sinuman sa kanyang mga tagasunod. Hindi niya nililinlang at niloloko ang mga tao upang mailihis sila sa landas ng kapahamakan at pagkawasak.
​Ang mga katangiang ito ay dapat taglayin ng isang namumuno upang manatili siya sa Tamang Landas ng Pamamahala at Kaluguran ni Allah. Anumang panahon at saanmang lugar ay dapat niya itong isabuhay dahil ang kanyang pamumuno sa mga Muslim ay tungkuling ibinigay sa kanya ni Allah.
​Isabuhay ang mga katangiang ito at sanayin dito ang sarili – O Ikaw na Pinunong Muslim! Dahil kung hindi, tunay na ikaw ay magiging isang palantadaan ng pagdating ng Pahuhukom – ang pamumuno ng mga taong hindi karapat-dapat na mamuno – wal iyaadhu billah.
Subscribe
Notify of
0 Comments
Oldest
Newest Most Voted
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x