
Nawa’y sa inyong pagbabalik sa inyong mga lugar matapos ang Dakilang Paglalakbay, nawa’y kapag inyong naaalala ang mga gawain sa Hajj – sa bawat Haligi at Tungkulin hbang nasa Makkah – ay magsilbing inspirasyon ang mga ito upang itaguyod ang Islam at magpakita ng pinakamabuting halimbawa ng isang tunay na Muslim.
Kapag naalala ninyo ang pagsapit sa Meeqat…
… Nawa’y kung papaano ninyo isina-layunin ang inyong Nusuk para sa Hajj, ay matimo rin sana sa bawat sandali ang kahalagahan ng tunay at dalisay na layunin sa puso sa bawat ginagawa ninyong ‘Ibaadaat o Pagsamba. Kung papaanong hindi kayo lalampas sa mga Meeqat nang hindi nakakapaglayon ng isasagawang ‘Umrah o Hajj ay ganun din na hindi kayo magsasagawa ng Pagsamba nang hindi dinadalisay ang intensiyon sa puso na ito ay para lamang kay Allah.
Kapag naalala ninyo ang pagsambit ng Talbeeyah…
… Nawa’y magunita ninyo sa inyong mga damdamin ang Kaisahan ni Allah at Paglilingkod sa Kanya. Paulit-ulit ninyong sinambit ang “labbayka allahumma labayk, labayka laa shareeka laka labbayk, innal hamda wan ni’mata laka wal mulk, laa shareeka laka.” Ito ay pagpapahayag ng walang humpay na paglilingkod at pagsamba sa Tagapaglkha. Na si Allah ay walang anumang katambal sa Pagsamba. Lahat ng papuri at pagmamay-ari ay tanging para sa Kanya lamang.
Kapag naalala ninyo ang pag-ikot sa Ka’bah habang nagta-Tawaaf…
… Nawa’y matimo sa inyong mga isip at damdamin ang Kaisahan o Tawheed ni Allah subhanahu wa ta’aalaa. Ang lahat ng bilog ay may-iisang gitna lamang. Nawa’y inyong magunita na minsan sa inyong buhay ay binigyan kayo ni Allah ng pagkakataon na makapanatili ng ilang saglit at makapag-Salaah sa Qiblah o direksyon ng lahat ng Muslim na nagdarasal sa buong Mundo. Ito ang Unang Tahanan ng Pagsamba para kay Alah. Napakalaking Biyaya nito kaya’t lubos na ipagpasalamat sa Kanya at patuloy na magsagawa ng mga Utos at umiwas sa mga ipinagbabawal.
Kapag naalala ninyo ang pagbabalik-balik sa mga Bundok ng Safaa at Marwaa …
… Nawa’y inyong maisip ang Sakripisyo ni Hajar at kanyang anak na si Ismaa’eel noong sila ay nanatili sa lugar na yaon nang walang kasiguruhan at pinanghahawakan maliban sa Ganap na Pananalig kay Allah. Nawa’y maging ganap din ang inyong pananalig at pagtitiwala sa Tulong at Paglingap ni Allah sa panahon ng pagsubok at unos sa inyong buhay.
Kapag naalala ninyo ang pagpapakalbo, pag-aahit, at pagbabawas ng buhok …
… Nawa’y masalamin nito ang pagbabagong-buhay bilang mga alipin ni Allah. Bagong yugto ng paglilingkod, paggawa ng mabuti, pag-iwas sa kasalanan, at pagtataguyod ng Deen sa sarili at sa pamayanan. Animo’y isang sanggol na bagong panganak at walang bahid ng anumang kasalanan at dusa.
Kapag naalala ninyo ang pananatili sa Lugar ng Arafah …
… Nawa’y inyong magunita ang Kapatawaran at Habag na iginawad ni Allah sa inyo. Na ang inyong mga Panalangin at Pagsusumamo ay tinanggap at dininig. Na kung papaano tinipon ni Allah ang lahat ng mga Hujjaaj sa iisang lugar – tayo rin ay titipunin at bubuhaying-muli sa iisang lugar upang litisin at hatulan sa ating mga gawa at paniniwala. Kaya’t magpakabuti dito sa Mundo para sa magaan at mabilis na pagtutuos sa Kabila sa harap ng lahat ng madla.
Kapag naalala ninyo ang pagkatay at pag-aalay ng Hadiy…
… Nawa’y inyong mapagtanto an kaganapan ng pag-aalay para kay Allah. Kung papaano na ang mga hayop na ito ay pinadanak ang dugo para sa Kaluguran ng Tagapaglikha, gayundin ang ating mga ‘Ibaadat, ang buhay, at ang kamatayan ay ating iniiaalay lamang kay Allah. Ang ating lakas, sakripisyo, yaman, at pagsusumikap ay laan lamang sa ating Rabb.
Kapag naalala ninyo ang pagpukol ng mga bato sa Jamaraat …
… Nawa’y inyong magunita ang ating patuoy at walang humpay na paglaban kay Iblees at sa kanyang mga kampon, mga plano, pakana, at panghihikayat. Nawa’y ating maitaboy ang lahat ng tukso at makalayo sa lahat ng daan na maghahantong sa kasalanan at pagsuway dahil sa kanyang mga bulong sa ating puso.
Sa lahat ng mga gawaing ito at mga hindi na nabanggit, nawa’y magsilbing aral at dakilang karanasan ng pagpapasakop, pagsusumikap, pag-aalay, at sakripisyo ang Hajj na ating isinagawa.
Taqabballallahu hajjakum waj’alhu mabrooran mashkooran!
Sinulat ni Sheikh Rasheed Vallena

















